P1.572-M HIGH-GRADE “KUSH” MARIJUANA NA ITINAGO SA GARMENTS NABUKING

NABISTO ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark ang 1.48 grams ng High-Grade “Kush” Marijuana na itinago sa apat na piraso ng damit na nagkakahalaga ng P1.572 milyon.

Ang inspeksyon ay isinagawa sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEG), National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office, Department of Justice (DOJ) at Barangay Dau officials.

Ang padala ay idineklara bilang “Men’s Track Suit, Polyester Men’s Cotton Shorts” at napansin sa pagsusuri ng X-ray Inspection Project (XIP) ng ahensya kasabay ng isang K-9 sniff test na isiniwalat din ang presensya ng mga ilegal na sangkap.

Natuklasan ng mga awtoridad ang apat na vacuum-sealed na mga pouch na naglalaman ng high-grade marijuana o “Kush” na binalot ng mga damit upang maiwasang matuklasan sa inspeksyon.

Lumitaw sa chemical laboratory analysis ng PDEA na ang mga ito ay marijuana kaya naglabas ng Warrant of Seizure and Detention para sa shipment dahil sa paglabag sa Sections 118(g), 119(d), at 1113 paragraphs (f), (i) at (l) (3 at 4) ng R.A. No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at R.A. No. 9165.

Ayon kay Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ang ahensya ay nananatiling matatag sa kampanya laban sa smuggling ng ilegal na droga. Binigyang-diin ni Commissioner Rubio,

“The BOC pledges to prevent smuggling and protect the country’s borders and the well-being of our citizens against the dangers of illegal substances attempting to infiltrate our communities.”

RUBEN FUENTES