NAIS ni ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap at ilan pang mambabatas na linawin ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang umano’y loan condonation o utang na hindi na pinabayaran na P1.6 bilyon na pumapabor sa mga kompanya na pag-aari ng pamilya Lopez.
Ayon kay Yap, na miyembro ng legislative franchise committee, nadiskubre ang naturang condonation o write-off ng naturang halaga base na rin sa mga isinumiteng dokumento ng ABS-CBN sa isinagawang pagdinig sa Kongreso ukol sa kanilang prangkisa kamakailan.
“Kung totoo ito, napakalaki ng nawalang pera sa pamahalaan, at napakalaking kalugian nito sa ating gobyerno. Kaya hindi dapat ito palampasin at agad na maimbestigahan,” ani Yap.
Giit pa ng mambabatas kaya nila ipinatawag ang imbestigasyon sa kongreso ay para papagpaliwanagin ang DBP ukol sa isyu.
“HIndi natin nais gipitin ang pamilya Lopez, ang gusto namin ay lumabas kung ano ang katotohanan dito, kaya nga ipapatawag natin ang DBP para linawin ang tungkol dito,” ani Yap.
Ayon sa kuwenta ng mambabatas, sosobra sa P1.6 billion ang halaga na sumailalim sa loan condonation na pinakinabangan ng Benpres Holdings Corp. (ngayon ay Lopez Holdings Corp.) na siyang nabigyan ng pinakamalaking rights sa mga ABS-CBN corporation shares. Nakinabang din daw ang iba pang kompanya ng mga Lopez sa naturang condonation.
“Maraming puwedeng paggamitan ang P1.6 billion na dapat sana ay napakinabangan ng publiko lalo na ngayong panahon ng pandemya,” dagdag pa ni Yap.
Bukod sa mga represantante ng DBP, inatasan din ni Yap ang mga ito na dalhin ang lahat ng kaukulang dokumento ukol sa nasabing loan condonation. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.