LEGAZPI CITY- TINATAYANG nasa kalahating kilo ng shabu ang nasamsam sa ikinasang joint anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa ng hapon sa Brgy. Capantawan sa lalawigang ito.
Ayon kay PDEA Region V Director General Moro Virgilio Lazo, nasa P1.6 milyon ang halaga ng droga na nahuli sa ikinasang buy bust operation ng mga operatiba ng PDEA RO V Special Enforcement Team, IIS, LPU, PDEA Albay provincial office ( PO,) NBI at Legazpi CPS .
Arestado ang dalawang indibidwal kabilang ang isang provincial drug-listed personality na cluster target din ng ahensiya na kumikilos sa Visayas na kinilalang si Sandra Floralde y Aranil.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang electronic receipts ng money transfer transactions na isinailalim sa financial investigation.
Mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa anti-drug law ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga nadakip na suspek.
Ang nasabing operasyon ay bahagi ng COPLAN: Heavy Gut na ipinatupad para hadlangan ang nagaganap illegal trafficking ng droga sa Albay at mga kalapit na lalawigan. VERLIN RUIZ