(P1.60/L sa gasolina, P0.65/L sa diesel) OIL PRICE HIKE AYAW PAAWAT

KASADO na ngayong Martes ang panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ito na ang ika-4 na sunod na linggo na may dagdag sa presyo ng petrolyo.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.60, diesel ng P0.65, at kerosene ng P0.60.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong taas-presyo maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang price hike sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel, na mag-a-adjust ng presyo sa ala-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Hulyo 2, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.95, diesel ng P0.65, at kerosene ng P0.35.

Hanggang noong Hulyo 2, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P9.25 kada litro, diesel ng P8.40 kada litro, at kerosene ng P1.75 kada litro.

LIZA SORIANO