P1.7-B PINSALA SA AGRI NI ‘ROLLY’

ROLLY-AGRI

PUMALO na sa mahigit P1.7 billion ang halaga ng pinsalang idinulot ng bagyong Rolly sa sektor ng agrikultura.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), hanggang alas-5 ng hapon kahapon, ang kabuuang pinsala ay nasa P1.748 billion, na nakaapekto sa 26,948 magsasaka sa buong bansa.

Sa naunang datos ay iniulat na ang pinsala ay nasa P1.1 billion na nakaapekto sa 20,000 magsasaka.

Sa isang press briefing, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na kabilang sa mga pananim na matinding nasalanta ang palay, mais at high value crops.

“Most of the commodities that have been badly damaged are rice, corn, high-value crops during this Typhoon Rolly, with almost 20,000 hectares. And about 20,000 farmers as well have been affected,” dagdag pa ng kalihim.

Sinabi pa ni Dar na bukod kay ‘Rolly’ ay nag-iwan din ng pinsala sa agrikultura ang naunang bagyo na si ‘Quinta’,  na umaabot sa P2 bilyon.

Nangako naman ang DA na tutulungan nila ang apektadong sektor, kabilang dito ang pamamahagi ng 133,326 bags ng rice seeds at 17,545 bags ng corn seeds.

Magbibigay rin ang DA ng P25,000 survival and recovery loan sa mga naapektuhang magsasaka.

Maging sa mga naapektuhang may-ari ng livestock at poultry ay may inihahanda na ring ayuda ang ahensiya.

Ayon kay Dar, mamamahagi ang ahensiya ng 10 milyong tilapia at milkfish fingerlings at maging ilang kagamitan sa mga may palaisdaan.

Ang DA ay may P400 milyong quick response fund na gagamitin sa rehabilitasyon.

Comments are closed.