CAMP OLIVAS, PAMPANGA – Dalawang lalaki ang inaresto ng mga awtoridad sa Zaragoza, Nueva Ecija nitong Disyembre 10, Martes bandang alas-5:00 ng umaga dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9211 o Anti-Tobacco Regulation Act of 2003.
Base sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PRO3 Director PBGen Redrico Maranan, bandang alas-3:00 ng madaling araw, nakatanggap ang mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 1st PMFC, NEPPO, ng impormasyon ukol sa isang trak na magdadala ng ilegal na sigarilyo na daraan sa Zaragoza.
Agad silang nakipag-ugnayan sa Zaragoza Municipal Police Station (MPS), at nagsagawa ng checkpoint operation sa Sta. Rosa-Zaragoza Road, Barangay Carmen, Zaragosa, Nueva Ecija.
Dakong alas-5:00 ng umaga habang patuloy ang ipinatutupad na checkpoint operation ay pinahinto nila ang isang trak para sa routine inspection na kung saan ay nakita nila ang iba’t ibang kahon na may lamang iba’t ibang uri ng Chinese cigarettes.
Nang tanungin ang driver at pahinante na kinilalang sina alias “Vin,” at alias “Mon,” sa kaukulang mga dokumento ay wala silang naipakita kung kaya naman sila ay inaresto ng mga awtoridad.
Nakumpiska sa kanila ang 147 mga kahon ng iba’t ibang uri ng Chinese cigarettes na nagkakahalaga ng tinatayang P1,764,000.00.
“Pinupuri ko ang mabilis na aksyon ng ating mga kapulisan sa Zaragoza MPS, katuwang ang 1st PMFC ng Nueva Ecija Police Provincial Office, sa matagumpay na pagsasagawa ng checkpoint operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek at pagkakasamsam ng malaking halaga ng ilegal na sigarilyo,” pahayag ni Maranan.
Aniya, “Ang operasyong ito ay nagpapakita ng ating dedikasyon sa pagpapatupad ng batas, lalo na sa pagsugpo sa mga ilegal na aktibidad na nagpapahina sa ating ekonomiya at kalusugan ng mamamayan.”
“Patuloy nating paiigtingin ang ating kampanya laban sa ilegal na sigarilyo alinsunod sa Republic Act No. 9211 o Anti-Tobacco Regulation Act of 2003.
Tinitiyak natin sa publiko na ang inyong PNP ay walang sawang maglilingkod para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng ating komunidad,” dagdag pa ni Maranan.
EUNICE CELARIO