MATAPOS ang dalawang sunod na rolbak ay may pagtaas na naman sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkahiwalay na abiso, inanunsiyo ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.45, diesel ng P1.70, at kerosene ng P0.45.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.
Epektibo ang dagdag-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng price increase sa alas-4:01 ng hapon sa kaparehong araw.
Noong nakaraang Martes, Abril 12, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P1.00, diesel ng P0.35, at kerosene ng P3.00
Ayon sa Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P15 kada litro, diesel ng P25.65 kada litro, at kerosene ng P21.10 kada litro.