P1.8-B FERTILIZER SUPPLY CONTRACT NAIS SIYASATIN NG MAKA-BAYAN BLOC

Makabayan

HINILING ng Makabayan Bloc sa Kamara de Representantes na siyasatin ang P1.8 billion urea fertilizer supply contract ng Department of Agriculture kung totoo ang alegasyong overpriced ito ng P271.66 million.

Nagsanib-puwersa sina Representatives Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat ng Bayan Muna, Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party, France Castro ng ACT Teachers at Sara Elago ng Kabataan Partylist at isinumite ang House Resolution 992 upang siyasatin ng House committees on agriculture and food at good government and public accountability ang umano’y overpriced na kontrata sa urea fertilizer.

Ang resolusyon noong Hunyo 12 ay nagkukuwes­tiyon sa nasabing kontrata sa ilalim ng Rice Resiliency Program na naglalayong itaas ang rice production ng bansa mula 87 percent to 93 percent bago matapos ang kasalukuyang taon.

Giit ng grupo na dapat suspendihin muna ng DA ang susunod na bidding para sa karagdagang P3.8 billion worth of fertilizer hangga’t hindi nalilinawan sa isyu ng P1.8 billion fertilizer.

Ayon pa sa mga lawmaker, Abril 28 nang ianunsyo ng DA ang invitation to bid para sa supply and delivery ng 5.69 mil-lion bags of urea fertilizer na may approved budget na P5.69 billion habang nagsagawa rin ang nasabing kagawaran ng bidding para sa 1,811,090  bags ng urea fertilizers para sa P1.8 billion o  price tag na P1,000 per bag.

Dalawa ang naging winning bidders sa P1.8-billion contract para sa Region 4A, Region 6  na may price tag na P990 at Region 7 na may price tag na P900.

Nabatid pa sa nasabing mga magsasaka na ang pres­yo ng urea fertilizer  ay nagkakahalaga lamang ng P 810 sa Pangasinan, P 830 sa Tarlac at P840 sa Nueva Ecija kung saan kung bulto ang bibilhin ay makakakuha  pa ng diskuwento.

Umaasa naman ang grupo na magiging ma­linaw ang lahat lalo na’t tiniyak ng DA at ni Agriculture Secretary William Dar na ihahayag nila ang mga impormasyon hinggil sa nasabing supply contract.

Ang DA ay nasa ilalim ng stimulus program na Ahon Lahat, Pagkaing Sapat Kontra COVID-19 (ALPAS sa COVID-19), ay binuhusan ng P5.69 billion para sa pagbili ng urea fertilizer.

Magugunitang ma­ging si Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So ay iginiit na dapat mababa lamang ang presyo ng nasabing fertilizer dahil rekta at bulto ang paraan ng pagbili ng DA.

Magugunita na una nang itinanggi ni Dar na may anomalya sa pagbili ng mga fertilizer. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.