P1.8-M VAPE PRODUCTS NILIMAS NG MGA PEKENG NBI AGENT

NAGSASAGAWA ng manhunt operation ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa anim na suspek kabilang ang isang babae matapos na magpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at nilimas ang tinatayang P1,844,730.00 halaga ng vape products sa loob ng isang Vape store sa Sta Ana, Manila.

Nabatid na pinasok ng mga suspek ang “Lets Vape Pare” vape Shop Store sa 2nd floor ng Harmonic Seven Building , 2543 Tejeron St., Brgy 782, Sta Ana Manila na pagma-mamay-ari ng isang Andrea Christine Velasquez , 33-anyos.

Sa ulat, dakong alas-11:01 kamakalawa ng umaga nang naganap ang insidente sa “LETS VAPE PARE” Vape Shop Store na matatagpuan sa second floor ng Harmonic Seven Building, 2543 Tejeron St., Brgy. 782, Sta. Ana, Manila.

Ininguso na mga suspek ang anim na lalaki kabilang ang isang babae na tinatayang 25-30 anyos , nakasuot ng kulay itim na polo shirt, long sleeve at may get away car na isang kulay itim na Toyota Innova na may magkaibang plaka na NEI 1156 at NBP 5101 sa harap at likod.

Ayon kay Mark Anthony Bueno y Bonon, 26-anyos, store attendant na habang nasa loob siya ng tindahan nang pumasok ang mga suspek na nagpanggap na pawang mga customer.

Nang nasa loob na, isa sa suspek ang naglabas ng baril at nagpakilalang NBI agents at kukumpiskahin nila ang kanilang mga vape products.

Habang nakatutok Kay Bueno ang baril, ilan sa kasama ng suspek ay nilimas ng kanilang e-cigarete products kabilang ang 400 piraso ng “Flava Oxbar” na nagkakahalaga ng P112,000.00; 2,250 piraso ng “Hyper Bar” na nagkakahalaga ng P675,000.00; 330 piraso ng “”Mosmo” na nagkakahalaga ng 89,100.00; 110 piraso ng “Oxbar Old” na nagkakahalaga ng P30,800.00; 860 piraso ng “Chillax Neo” na nagkakahalaga ng P240,800.00.

Tinangay din ng mga suspek ang 675 piraso ng “Chillax 6K Plus” na nagkakahalaga ng P177,550.00; Special Order Juice na nagkakahalaga ng P248,400.00; cash money na P21,080.00 at inilagay sa kanilang get-away vehicles saka sumakay ang mga suspek kabilang ang store attendant patungo sa direksyon ng Pedro Gil St. pero pagsapit sa Balintawak Quezon City ay ibinaba ang store attendant.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso maging ang manhunt operation ng mga awtoridad sa mga suspek. PAUL ROLDAN