(P1.80/L sa diesel; P0.90/L sa gasolina) MALAKIHANG DAGDAG-PRESYO SA PETROLYO

petrolyo

ISA na namang big-time oil price hike ang ipatutupad ng mga kompanya ng langis simula ngayong Martes, Enero 18.

Ito na ang ikatlong sunod na linggong nagkaroon ng taas-presyo sa petrolyo at ikalawang linggong higit P1 ang itinaas ng presyo ng kada litro ng diesel.

Sa abiso ng Caltex, Shell at Seaoil, tataas ang presyo ng kanilang diesel ng P1.80 kada litro, gasolina ng P0.90 kada litro at kerosene ng P2.30 kada litro.

Magpapatupad ang PetroGazz, Unioil, PTT Philippines, at Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.

Sa datos ng  Department of Energy (DOE), hanggang noong January 11, 2022, ang year-to-date adjustments ay may total net increase na P2.60 kada litro para sa gasolina, P3.50 kada litro sa diesel, at P2.74 kada litro sa kerosene.

Noong 2021, ang net increase ng gasolina ay nasa P17.65 kada litro;  diesel, P14.30 kada litro; at kerosene, P11.54 kada litro.