P1-B LOAN SA FARMERS ‘DI SAPAT

LOAN-FARMERS-2

HINDI sapat ang mahigit sa P1 billion na loan assistance para sa mga magsasaka upang maibsan ang epekto ng pagbagsak ng presyo ng palay dahil sa Rice Tariffication Law.

Ayon sa advocacy group Bantay Bigas, kung hahati-hatiin ang naturang pautang sa ilalim ng P10-billion Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa mahigit dalawang milyong magsasaka sa buong bansa ay lalabas na P500 lamang ang maaaring mahiram ng isang magsasaka.

“Sa P10 billion na ‘yan, P1 billion lang ang loan para sa magsasaka … ‘Pag i-divide mo ‘yan sa more 2.4 million na magsasaka natin, less than P500 ang puwedeng utangin ng ating mga magsasaka,” wika ni Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas.

Bukod dito, sinabi ni Estavillo na ma­liit ang P10-B RCEF kumpara sa mga subsidiya ng go-byerno ng Thailand at Vietnam sa kani-kanilang mga magsasaka.

“Ang P5 billion po ay sa makina agad gagamitin. Hindi po ito ang kailangan ng ­ating magsasaka. Ang kailangan nila ay subsidized loan para matiyak na makakapagtanim pa sila,” aniya.

Nauna nang inanunsiyo ng Department of Agriculture (DA) na maglalatag ang ahensiya ng P1.5-billion loan assistance program para sa mga apektadong rice farmers.

Sa ilalim ng Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers (SURE Aid) program ng DA na nagsimula noong Setyembre 1, ang mga rice farmer na nagsasaka ng isang ektarya o mas mababa pa ay ­maaaring maka-avail ng one-time, zero interest loan na nagkakahalaga ng P15,000 at maaaring bayaran sa loob ng walong taon.   PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.