NATANGGAP na ng pamilya ng mga nasawing health worker dahil sa COVID-19, ang isang milyong pisong death benefit habang sinisikap ng Department of Health na makatugon sa deadline na Hunyo 9 para maibigay ang benepisyo sa lahat ng nasalantang health workers.
Ayon sa DOH, naihatid na ang pera sa mga pamilya ng 30 healthcare workers kahapon, araw ng Sabado.
“We are waiting for the submission of [documents] from the heirs of the remaining two. The checks are ready already. Once submitted, the checks will be immediately delivered,” pahayag ng ahensiya.
Bukod sa 32 health workers na nasawi sa coronavirus disease, ang mga mayroong “severe” COVID-19 infection ay makatatanggap ng ₱100,000 sickness benefit sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act.
Idinagdag ng DOH na sampu mula sa 40 health workers ang nakatanggap ng cash assistance habang hinihintay ang iba pang dokumento mula sa claimants. Nauna rito, iniulat ng DOH na ang 79 healthcare workers na matinding tinamaan ng COVID-19 ay makatatanggap ng P100,000.
Matatandaang nagalit ang Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa nabalam na compensation ng health workers na nahawahan ng COVID-19 kaya binigyan niya ng ultimatum ang health authorities hanggang sa Hunyo 9 upang maibigay ang tulong.
Nagbanta pa itong sisibakin ang health officials na naging dahilan ng delay.
Nauna rito ay nabunyag sa pagdinig sa Senado na wala pang healthcare worker ang nakatatanggap ng cash benefits na mandato sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act, na ipinasa nitong Marso.
Paliwanag naman ni Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire na kailangan nilang maghanap ng pondo para rito, ngunit kalaunan ay nagpasya rin na gamitin ang P100 million Medical Assistance Fund ng DOH. CNN PHILIPPINES
Comments are closed.