P1-M KOLEKSIYON NG 2 EXPRESS RIDERS TINANGAY

ISABELA- MAHIGIT isang milyong piso ang natangay ng mga suspek sa panghoholdap ng dalawang express rider nitong Miyerkules, Enero 5 sa Barangay Villasis, Santiago City.

Kinilala ang mga biktima na sina Jerick Tangalin Bilog, 25-anyos, residente ng Rizal, Santiago City at Ginalyn Flores Lorenzo, 22-anyos, residente ng Divisoria, Santiago City na kapwa mga empleyado ng J&T Express.

Ayon sa imbestigasyon ng PNP Santiago, magdedeposito sana ang dalawa sa Metrobank-Santiago ng kanilang koleksiyon kung saan nakaantabay at hinarang sila ng dalawang armadong lalaki sa Perez St., Villasis sa nasabing lungsod.

Natangay ng mga suspek ang tinatayang nasa P1,094,000 halaga sabay mabilis na tumakas sakay ang motorsiklo ang mga holdaper.

Nakita sa CCTV ang ginawa ng mga holdaper habang tumatakas na kasalukuyang tinutugis ng pulisya. IRENE GONZALES