P1-M MULTA SA LALABAG SA SRP SA BIGAS

BIGAS

INILUNSAD na ngayong araw ng Department of Agriculture (DA), DTI at National Food Authority (NFA) ang Suggested Retail Price (SRP) sa bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Kasama ni DA Secretary Manny Piñol sina NFA OIC Administrator Tomas Escarez at DTI Secretary Ramon Lopez.

Una nilang tinungo at ipinatupad ang SRP sa bigas sa Commonwealth Market sa Quezon City at susunod na sa iba pang pamilihan.

Base sa napagkasunduan, ang SRP sa mga locally produced rice ay ang mga sumusunod, P39/kilo para sa regular milled rice, P44/kilo sa well-milled at P47/kilo sa premium long grain.

May ipinataw rin na SRP sa mga imported rice: P39/kilo para sa imported well-milled rice, P43/kilo sa imported premium rice PG1 (bigas mula sa Thailand at Vietnam) at P40/kilo sa imported premium rice PG2 (bigas mula sa China at Pakistan).

Ginawa na ring standard ang label ng mga bigas at inalis na ang mga pangalan tulad ng “Mindoro Dinorado”, “Sinandomeng”, “Double Diamond” at “Yummy Rice.”

Napagkasunduan din ng council na huwag patawan ng SRP sa mga special rice, tulad ng di­norado, jasmine, milagrosa, jasponica, doña maria, organic rice (brown, red, and black), heirloom rice mula sa Cordillera Hinumay, Malido mula sa Iloilo, Kamoros mula sa Min­doro at Malagkit.

Una rito, inaprobahan ng National Food Authority (NFA) Council ang guidelines para sa Suggested Retail Price (SRP) na ipatutupad sa imported and locally produced rice na ibinebenta sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Inaprobahan ito isang araw pagkatapos ang konsultasyon sa stakeholders.

Muling nagbabala si DA Secretary Manny Piñol laban sa unscrupulous traders na sila ay mahaharap sa matinding multa kapag sila ay hindi sumunod sa SRP.

“Ang unang mang­yayari sa ‘yo, tatanggalan ka ng lisensiya. Pangalawa, puwede kang mabilanggo mula apat na buwan hanggang apat na taon. Under the Price Act, puwede ka patawan ng penalty na P2,000 hanggang isang milyon and of course mahihinto ka sa negosyo mo,” sabi niya.

Dahil ang SRP guide ay nalathala nitong Biyernes lamang, ipinaliwanag ni Piñol na magsisimula silang ha­bulin ang erring traders matapos ang dalawang linggo.

“Wala ng consideration sapagkat napag-usapan na namin ito. As early as September pinag-usapan na ito. In fact na-delay nga ‘yung implementation ng SRP kasi pinagbigyan namin sila. May nabili silang bigas na mahal at gusto nilang i-unload.

There is a 15-day publication period required by law bago kami makapag-implement ng penalties and sanctions and it is published by the UP Law Center yesterday so ang penalties and sanctions could only be implemented 13 days from now,” sabi ni Piñol.

Ang konsiderasyon ay puwedeng pahabain tungkol sa pagpapalit ng label sa mga sako ng bigas.

“‘Yung pagpapalit ng sako will be effective until the end of December or after December so next year mag-uumpisa nang palitan ‘yung mga sako. Wala na ‘yung mga pekeng pangalan,” dagdag pa ng DA secretary.

“Walang justification para magbenta ka ng bigas na P100,” dagdag niya.

Comments are closed.