P1-M REWARD SA KILLER NG MODELO

DAVAO CITY- PARA mapabilis ang pag resolba sa kaso ng pagpatay sa isang modelong negosyante ay naglaan ang mga awtoridad ng P1 milyon reward sa magtuturo tungo sa ikadarakip ng riding in tandem gunmen na siyang nasa likod ng pamamaslang sa lalawigang ito.

Inihayag ng Davao region police may pabuyang inilaan para makatulong na matukoy ang pumaslang sa 38-anyos na negosyante at model na si Yvonne Chua Plaza sa lungsod na ito.

Una nang nagtatag ng Task Force Yvonette ang Davao police para matutukan ang kaso ng pamamaslang na naganap nitong Disyembre 28 sa labas ng inuupahang bahay ni Plaza sa Green Meadows Subdivision sa Brgy Mintal, Tugbok district.

Ito ay makaraang mag viral sa social media ang kaso ng biktima na sinasabing may kaugnayan sa isang dating law enforcement officer .

Ayon sa pulisya, hindi pa rin nila matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang salarin sa kabila ng mga nakalap na CCTV footage dahil natatakpan ng helmet ang mukha ng mga ito.

Ayon kay Col. Alberto Lupaz, head ng Davao City police, hindi lang pagnanakaw ang intensiyon ng mga salarin dahil naunang binaril si Plaza bago kunin ang kanyang bag pagbaba nito sa kanyang Mitsubishi Montero Sport vehicle.

Aniya, posibleng personal na away bukod sa pagnanakaw o business disputes ang motibo sa krimen na kabilang sa mga angulong tinututukan ng binuong Task group.

Bagaman may mga person of interest na rin umanong sinusundan subalit nangangalap pa ng mga katibayan kaya’t hindi muna sila tinukoy.

Iniimbestigahan din umano ng nasabing Task Group ang mga kumalat na social media post hinggil sa pagkakasangkot sa isang ranking official na may relasyon umano sa biktima. VERLIN RUIZ