(P1-M sa 101-anyos) DAGDAG-BENEPISYO SA CENTENARIANS

KAMARA-5

APRUBADO na sa plenaryo sa ikalawang pagbasa ang House Bill 10647 o ang panukala na nagkakaloob ng dagdag na benepisyo sa centenarians at kumikilala sa mga senior citizen na kabilang sa ibang age group o iyong mga octogenarian at nonagenarian.

Sa viva voce voting ay naaprubahan ang panukala na nag-aamyenda sa “Centenarians Act of 2016”.

Sa ilalim ng panukala, idaragdag sa kasalukuyang batas ang pagbibigay ng benepisyo sa mga centenarian na aabot ng 101 taong gulang.

Ang mga senior na aabot ng 101-anyos ay makatatanggap sa gobyerno ng cash gift na nagkakahalaga ng P1 million sa kanilang kaarawan.

Samantala, ang mga octogenarian (80 at 85) at nonagenarian (90 at 95) ay mabibigyan naman ng liham ng pagbati mula sa Pangulo at cash gift na P25,000.

Mananatili pa rin ang pagbibigay ng letter of felicitation mula sa Pangulo at centenarian gift na P100,000 para sa mga lolo at lola na 100 na taong gulang. CONDE BATAC