NASA P1 hanggang P1.50 ang ibinaba ng presyo ng kada piraso ng itlog sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Ayon kay Philippine Egg Board Association chairman Gregorio San Diego, sa average, ang presyo ng itlog ay bumaba ng P1 kada piraso, habang ang maliliit na itlog ay hanggang P1.50 ang itinapyas.
Sinabi ni San Diego na nalulugi na ang egg farms sa bansa dahil sa mababang demand sa itlog, at nagbabala na posibleng matigil ang produksiyon ng ilang producers dahil sa pagmahal ng feed.
Aniya, ang presyo ng itlog ay apat na linggo nang bumababa at binawasan ang produksiyon ng itlog dahil sa bumababang demand.
“Ang pinoproblema namin, ‘yung demand. Kasi palaging sinasabi na ‘yung supply mababawasan, magiging kaunti. Pero ang problema natin ngayon, ang nababawasan ‘yung pambili ng tao,” pahayag ni San Diego.
“Meron nang size kami, maliliit, below P5 na ang wholesale sa amin. Kaya lugi na naman kami. Ang manok, kinakain sa isang araw P5 na, ibang gastos pa… Lugi kami talaga,” dagdag pa niya.