P1 ROLBAK SA PRESYO NG KAPE

KAPE-4

WALANG dahilan upang magtaas ng presyo ng bilihin, kasama rito ang mga panghanda sa Noche Buena.

Ito ang giit kahapon ni Trade and Industry Sec. Ramon Lopez kasunod ng mga ulat hinggil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga palengke, grocery at supermarket.

Aniya, sapat na dahilan ang pitong sunod-sunod na oil price rollback upang panatilihin ang presyo ng mga bilihin sa kabila pa ng papalapit na kapaskuhan.

Sa kanyang pagtatala, dapat pa ngang magtapyas presyo ang mga manufacturer sa kanilang mga produkto kasabay ng hirit sa mga ito na i-rollback ang presyo ng kanilang mga produkto.

Dagdag pa ng kalihim, maaaring maglaro sa P0.50 hanggang piso ang rollback sa ilang brand ng kape, gatas at mga canned meat.

Samantala, nagpahayag ng pagsuporta ang consumer group na Laban Konsyumer sa panawagang tapyas presyo sa mga bilihin  sa gitna ng patuloy na pagbaba sa presyo ng langis.

Ayon kay Laban Kons­yumer president Vic Dimaguiba, malaki na ang natitipid ng mga manufacturer, trader at supplier ng mga bilihin sa handling ng mga produkto mula pa sa unang kamay hanggang sa kamay ng mga mamimiling bayan.

“Madalas na dahilan ng pagtataas ng presyo ay ang pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo. Ngayong sunod-sunod na ang rollback sa presyo ng langis, makatwiran lang na ibaba rin nila ang presyo ng kanil-ang mga produkto.”

Comments are closed.