PAPATAWAN na rin ng excise tax ang mga plastic bag na ginagamit sa supermarkets, malls, shops, sales outlets at iba pang kahalintulad na establisimiyento.
Sa House Bill 8523 o Plastic Bag Tax Act na inihain ni Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing, papatawan ng P10 excise tax ang bawat plastic bag na gagamitin o paglalagyan ng mga pinamiling produkto mula sa mga establisimiyento at pamilihan.
Ipapataw ang nasabing excise tax sa plastic bags sa mga establisimiyento na may gross receipts na lagpas sa P100,000 o mga bagong tayong negosyo na may capital na hindi bababa sa P100,000.
Gayunman, exempted naman sa P10 excise tax ang ilang produkto o pagkain na ang ‘original packaging’ ay plastic katulad ng isda, karne, poultry products, gulay, prutas, confectionery, dairy products, ice at mga lutong pagkain.
Paliwanag ni Suansing, makatutulong ang dagdag na buwis sa mga plastic bag para maiwasan ang paggamit nito na lubhang nakasisira sa kapaligiran at kalusugan ng mga tao.
Ang kita na makokolekta rito ay gagamitin sa pagpopondo sa mga programa at proyekto ng pamahalaan, lalo na ang paglaban sa epekto ng paggamit ng plastic. CONDE BATAC
Comments are closed.