P10.00 TOLL HIKE SA NLEX SIMULA SA MARSO 20

NLEX TOLL GATE

MAY P10 dagdag sa toll rates ng mga motorista sa North Luzon Expressway (NLEX) simula sa Marso 20.

Ayon sa NLEX Corp., ang adjustments na inaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ay kinabibilangan din ng dag­dag na toll rate na P6 para sa open system, sa sandaling matapos ang Harbor Link Segment 10.

Opisyal na binuksan noong nakaraang Huwebes, ang bagong six-lane toll road ay isang 56-kilometer elevated expressway na dumadaan sa mga lungsod ng Valenzuela, Malabon, at Caloocan.

Ang dagdag na  toll rate ay kinabibilangan din ng first tranche ng inaprubahang periodic adjustments noong  2013 at 2015, na nagkakahalaga ng karagdagang  P4 sa open system, at P0.18 per kilometer sa closed system.

“The Open System, where a flat rate is charged per entry, includes the Balintawak, Min­danao Avenue, Karuhatan, Valenzuela, Caloocan, Mey­cauayan, Marilao interchanges and toll plazas,” ayon sa NLEX.

“These cover the urban section of the expressway where the traffic congestion is more pronounces,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng bagong fee matrix, ang Class 1 vehicles o ordinary cars  na bumibiyahe sa Que_zon City, Caloocan City, Valenzuela City, Malabon, Meycauayan, at Marilao sections ay magbabayad ng karagdagang P10 sa P55 mula sa kasalukuyang P45.

Samantala, ang Class 2 vehicles o buses at maliliit na trucks sa parehong  corridor ay magbabayad ng ka­ragdagang  P23 sa P137 mula sa P114, habang ang Class 3 vehicles o malalaking trucks at trailers ay may dagdag na P29.

Para sa end-to-end travel sa pagitan ng EDSA Balintawak o Mindanao Avenue at Sta. Ines sa Mabalacat City,  mas mataas ang dagdag na toll – P22 para sa Class 1 vehicles, P56 para sa Class 2 vehicles, at P67 para sa Class 3 vehicles.

Comments are closed.