NEGROS OCCIDENTAL – NASAMSAM sa isang 24-anyos na lalaki ang 1.5 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P10.2 milyon sa isinagawang buy bust operation ang mga operatiba ng San Carlos City sa lalawigang ito.
Batay sa report na ipinadala ni Police Regional Office (PRO) 6 sa Camp Crame, kinilala ang suspek na si Joe Rizardo y Delicana na nakatira sa Greenville Bato, Barangay Rizal, San Carlos City, Negros Occidental.
Habang agad namang tumakas ang kasama nito matapos na matunugan ang naturang operasyon na nakilalang si Jean Compacion, patungo sa hindi pa matukoy na destinasyon.
Ayon sa report ang naturang operasyon ay naganap dakong alas-4:20 ng hapon sa Puso Tres, Hacienda San Jose, Brgy. Guadalupe, San Carlos City, Negros Occidental na isinagawa ng magkakasanib na puwersa ng San Carlos Component City Police Station (SCCCPS) Intelligence Unit ng Negros Occidental Police Provincial Office, Regional Police Drug Enforcement Unit 6 at Philippine Drug Enforcement Agency Negros Occidental.
Nasamsam sa pag-iingat ng suspek ang pitong pirasong healed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu, isang pirasong bukas na plastic na may laman na shabu at P3,600 na cash na pinaniniwalaang pinagbentahan ng nasabing droga, isang paper bag at P3,500 na buy-bust money.
Nabatid na bago naisakatuparan ang naturang operasyon ay isinailalim sa isang linggong surveilance ang naturang suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng SCCCPS ang naarestong suspek habang inihahanda ang kaukulang kasong paglabag sa Republic act 9165 o mas kilala bilang ” The Comprehensive Dangerous Drugs of 2002. EVELYN GARCIA