P10.7 M DANYOS SA ASF OUTBREAK

ASF-4

NORTH COTABATO – UMAABOT na sa P10.7 milyon ang nalugi sa hog farm industry matapos na manalasa ang African Swine Fever (ASF ) sa apat na bayan at isang lungsod na may kabuuang 19 barangay sa lalawigang ito.

Kinumpirma naman ni Provincial Veterinarian Dr. Rufino Suropia na nasa 40 baboy na ang na-depopulate sa Barangay Malungon, bayan ng Makilala makaraang magpositibo sa pinakahuling laboratory test sa kinuhang blood sample mula sa ilang alagang baboy sa nasabing barangay.

Samantala, sinisimulan na rin ang culling acti­vity na pasok sa 500 meter radius mula sa Barangay Muaan at Barangay Gayola sa Kidapawan City na nakitaan na rin ng positibong kaso ng ASF.

Sa pinakahuling datos ng OPVET, aabot na sa 2, 138 alagang baboy ang na-depopulate kung saan nasa 500 hog raisers na ang apektado.

Gayundin, nagsasagawa ng Information Dissemination Campaign ang OPVET sa iba pang mga lugar sa probinsiya upang hindi na madagdagan at lumawak ang epekto ng ASF.

Hinihikayat din nito ang mga barangay official na makipagtulungan sa kanilang kampanya lalo na sa kanilang area of responsibility. MHAR BASCO

Comments are closed.