NAKALIKOM ang National Food Authority (NFA) ng P10.78 milyong multa sa mga rice retailer mula Nobyembre 30 dahil sa iba’t ibang paglabag.
Ayon sa ulat, ang nasabing halaga ay multa ng may 8,826 grains businessmen dahil sa mga paglabag katulad ng non-renewal ng lisensiya ng NFA, operating without license, hindi pagsunod sa itinakdang rice box at paglalagay ng price tags.
Nadakip din ang ilang accredited na retailer ng NFA rice dahil sa hindi pagdi-display ng NFA rice, at iba pang paglabag.
Ito ay bunga ng pinasiglang rice and market monitoring activities ng NFA ngayong taon.
Sinabi ni NFA OIC-Administrator Tomas Escarez na may 168,140 business establishments sa buong bansa ang na-inspeksiyon na ng NFA na nagresulta ng pagkakahuli sa madadayang rice traders.
Nakatulong ang pinalakas na enforcement activities ng ahensiya sa pagpapatatag ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Sinabi pa ni Escarez na nang magsimulang magbenta ng bigas ang NFA nitong buwan ng Hunyo sa mga accredited retailer ay tiniyak nilang maibebenta ito sa halagang P27.00 at P32.00 kada kilo.
“Ang pagpapakalat natin ng Palengke Watchers sa pakikipagtulungan ng National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies ay malaking tulong para sa tagumpay ng NFA sa monitoring sa palengke,” dagdag ni Escarez.
Sa kabuuan may 668 malalaki at maliliit na pamilihan sa National Capital Region, kabilang ang Cavite at Rizal provinces, na may 1,946 accredited NFA rice retailers at kabuuang 5,328 licensed grains businessmen.
Malaki rin ang naitulong ng NFA Kontra Abuso Hotline na inilunsad noong buwan ng Hulyo kung saan lahat ng 802 na reklamo na naiparating ng mga concerned citizens ang matagumpay na naresolba. AIMEE ANOC
Comments are closed.