INAPRUBAHAN ng Sangguniang Panglungsod ng Parañaque ang isang ordinansa na P10-bilyon badyet bilang operating expenditures ng lokal na pamahalaan ng taong kasalukuyan.
Kasabay nito, nilagdaan din ang ordinansa kaugnay sa kilos ng mga hindi pa bakunadong residente sa ilalim ng alert level system.
Ang dalawang bagong ordinansa na agad na ipatutupad sa lungsod ay parehong ipinasa ng Sangguniang Panglungsod.
Inaprubahan ng City Council ang badyet na P10-bilyon upang mapondohan ang COVID-19 response gayundin ang pagbibigay ng 3rd tranche ng pagtataas ng suweldo ng mga empleyado ng city hall.
Nakasaad din sa Ordinance No. 171 Series of 2021 na ang karagdagang pondo ay ilalaan bilang pang-angkat ng bakuna, gamot, laboratory supplies at medical equipment; repair, maintenance at improvement ng mga dating pasilidad ng gobyerno; pati na rin ang implementasyon ng bagong development projects.
Sa ilalim naman ng Ordinance No.195 Series of 2022,layong bantayan ang kilos ng ilang residente sa lungsod dahil mayroong mga indibidwal hanggang sa ngayon ay ayaw pa rin magpabakuna kontra COVID-19.
Matatandaan na isinailalim sa Alert Level 3 ang buong National Capital Region (NCR) hanggang sa katapusan ng Enero dahil biglaan at mabilis na pagtaas ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 dulot ng Omicron variant na sinasabing mabilis makahawa sa mga tao. MARIVIC FERNANDEZ