HINILING ng dalawang partylist lawmakers ang agad na pagsasabatas sa House Bill 6923 o ang pagpapalakas ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Ayon kina AGRI partylist Reps. Delphine Gan-Lee at Orestes Salon, sa ilalim ng panukala ay maglalaan ng P5 billion hanggang P10 billion na crop insurance bilang ayuda sa mga magsasaka na maaapektuhan ng kalamidad.
Bukod sa crop insurance, mayroon ding life at accident term insurance na ipagkakaloob sa mga magsasaka at mangingisda.
Samantala, pinamamadali ni AGRI partylist Secretary General Benjie Martinez sa pamahalaan ang pagpapalabas ng calamity fund bilang pantulong sa mga magsasaka na biktima ng bagyong Ompong.
Ang ayudang ito ay ipinabibigay sa mga lalawigan na lubhang sinalanta ng bagyong Ompong, kabilang ang Cagayan Valley, Ilocos, at Cordillera regions.
Batay sa report, halos lahat ng mga pananim at sakahan sa nabanggit na mga lugar ay sinira ng kalamidad.
Aabot sa 250,730 toneladang palayan ang nasira matapos ang pananalasa ng bagyong Ompong. CONDE BATAC