HANDA nang ipatupad ng pamahalaan ang social protection programs na layong pagaanin ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa taumbayan partikular sa mahihirap.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., pinaplantsa na lang at handa nang ipamigay ang assistance at vouchers.
“Doon sa nakalipas po na miting ng Gabinete, nagkaroon po ng anunsiyo ang DSWD [Department of Social Welfare and Development] at tsaka DOTr [Department of Transportation] tungkol po doon sa mga hakbang na ginagawa natin para maibsan ang epekto ng TRAIN,” ayon kay Roque.
Sa ginanap na press briefing sa Malakanyang, sinabi pa ni Roque na ipamamahagi na sa susunod na buwan ng DSWD ang P10 bilyong halaga ng financial assistance sa may 10 milyong benepisyaryong nasa ilalim ng unconditional cash transfer (UCT) na bahagi ng tax reform law.
Kasabay nito, sisimulan na rin ng Department of Transportation ang pamimigay ng cash vouchers na nagkakahalaga ng tinatayang P5,000 sa jeepney drivers at owners sa ilalim ng Pantawid Pasada program.
Gayunpaman, ang halaga ng bawat voucher ay dedepende sa halaga ng buwis na makokolekta ng pamahalaan sa TRAIN law.
“Hindi pa po pinal ‘yung halaga ng voucher pero mahigit-kumulang po P5,000 kada owner ng jeepney ang maibibigay… ‘yung halaga po ay nakadepende kung magkano talaga ang makokolekta dahil po sa TRAIN,” giit ni Roque.
Inaayos na ng DOTr ang database ng jeepney drivers at owners upang madetermina ang bilang ng mga lehitimong benepisyaryo para sa naturang programa.
“Ang pinaplantsa na lang po ay para maiwasan ‘yung karanasan natin noong nakalipas na administrasyon na pati ‘yung mga walang prangkisa at saka ‘yung mga hindi nagmamay-ari ng PUJ [public utility jeepneys] ay nabigyan ng subsidy,” dagdag pa nito. VICKY CERVALES
Comments are closed.