NAKAPAGTATAKA ang inaasta ngayon ni Tourism Secretary Berna Romulo- Puyat sa pagbabalangkas ng mga dapat gawin para matulungan ang lugmok na tourism industry.
Pinipilit niya ang gusto ni Tourism Congress of the Philippines president Jose Clemente III na bigyan ng direktang tulong o ‘dole out’ ang mga pribadong kompanya sa tourism industry gayong ito ay bawal sa batas.
Para siyang ibon na inuulit ang sinasabi ni Clemente. Nang sabihin ni Clemente na dapat ibalik ng Kamara de Representante ang inilagay na P10 billion ng Senado sa panukalang Bayanihan To Recover As One Act na pautang at tulong para sa tourism sector sa halip na ilaan para sa tourism infrastructure, ganoon din ang naging linya ni Puyat.
May P10 billion kasing inilaan ang Senado sa bersiyon nito ng Bayanihan To Recover as One Act o Bayanihan 2 para sa mga pautang sa tourism sector. Sa bersiyon ng Kamara, ang P10 billion ay inilaan para sa infrastructure projects ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority’s (TIEZA). Ang suporta para sa turismo ay nasa ilalim ng P51 billion na ipapasok na kapital sa government financial institutions (GFIs) para maipautang sa iba’t ibang negosyong napeste ng COVID-19, kasama na riyan ang tourism industry.
Ito kasi ang tama at legal na paraan para matulungan ang mga pribadong negosyo sa tourism sector. Hindi pupuwede ang sinasabi nina Puyat at Clemente na mga programa umano ng Department of Tourism (DOT) para pondohan ang mga negosyo sa tourism industry. Tulad nga ng sinabi ni Deputy Speaker LRay Villafuerte, bawal ang pagbibigay ng dole out sa mga pribadong kompanya, na siyang pinupunto ng gusto nina Puyat at Clemente sa paglalaan ng P9.5 billion bilang pondo para matulungan ang mga negosyong tulad ng hotels, resorts at travel agencies gaya ng Rajah Tours na pag-aari ni Clemente.
Para maging maayos at matulungan ang mga karapat-dapat, sa tamang proseso padaanin ang pagbibigay ng mga pautang sa tourism industry sa mga GFIs tulad ng Landbank at Development Bank of the Philippines. Ang mga bangko ang mas nakaaalam kung sino ba ang dapat tulungan, magkano ang dapat ipautang, at paano ito mababayaran. Walang kakayahan ang DOT na gawin ito dahil hindi naman nila trabaho ang magpautang.
Kaya nakapagtataka kung bakit ba tila atat na atat si Puyat na makuha ng DOT ang P9.5 billion, kasama na ang natitirang P500 million para raw sa ‘support programs’ sa tourism industry.
Nakapagtataka rin kung bakit ba bigla na lang sumang-ayon si Puyat sa linya ni Clemente na hindi raw kailangan ng tourism industry ngayon ang imprastraktura gayong noon lang Marso ay ipinagmamalaki ni Puyat na may P14 billion ang TIEZA para sa infrastructure projects na siyang makatutulong para maiahon ang sektor ng turismo mula sa krisis ng COVID-19.
Tila ba nakalimutan na ni Puyat na kaya nga naglunsad ng ‘Build, Build, Build’ infrastructure program ang Pangulong Duterte at ipinagpatuloy pa rin ito kahit sa gitna ng pandemya, ay dahil ang imprastraktura ang makalilikha ng maraming trabaho para sa mga displaced worker. Kasama na riyan ang mga nawalan ng trabaho sa tourism industry.
Ang infrastructure program nga mismo ang bubuhay sa ekonomiya at sasalba sa maraming sektor, kasama na riyan ang turismo.
Ano kaya ang nakapagpakumbinsi kay Puyat na bumaligtad? Napag-aralan ba niyang mabuti ang Tourism Response and Recovery Program (TRRP)?
Comments are closed.