HINDI magkasundo ang mga miyembro ng Bicameral Conference Committee na tumatalakay sa Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 bill kaugnay sa P10-billion recovery support fund para sa industriya ng turismo.
Ayon sa source, nais ng mga senador na panatilihin ang kanilang orihinal na panukala na maglaan ng P10-billion direkta sa Department of Tourism (DoT) upang tulungan ang industry stakeholders sa kanilang pagbangon.
Samantala, isinusulong naman ng mga kongresista ang paglalaan ng naturang pondo sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) upang magtayo ng tourism infrastructure.
Naunang sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na malayo ang mararating ng P10-billion sa pagtulong sa pagsagip sa industriya ng turismo mula sa bingit ng pagkulapso sa harap ng 71.5 porsiyentong pagbagsak sa tourist receipts sa P81-million mula Enero hanggang Hulyo 2020 mula P284-million sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Puyat, ang pag-reallocate ng pondo sa pagtatayo ng tourism infrastructure tulad ng mga kalsada ay walang kabuluhan kung wala nang tour operators at travel agencies na magdadala ng mga kinakailangang turista.
Nahaharap sa kritisismo sa fund realignment at sa alegasyon na ang P10-billion infrastructure fund ay maaaring pagmulan ng korupsiyon tulad ng Philhealth, nagpahayag ang mga opisyal ng TIEZA ng pakikiisa sa industry stakeholders.
Sa isang statement, hinilkayat ni TIEZA chief operating officer Pocholo Paragas ang Kamara na isaprayoridad ang tulong pinansiyal sa tourism workers, travel agencies, resort at accommodation facilities at iba pang tourism-related enterprises.
Gayunman ay may pagdududa ang Congressional sources sa biglang pagbabago ng isip ni Paragas. Binigyang-diin nila na magmula nang manungkulan si Paragas ay lagi itong nagla-lobby sa Kongreso para sa dagdag na pondo upang tustusan ang kanyang pet projects.
Ayon sa TIEZA insiders, masigasig si Paragas sa pagtutulak ng instalasyon ng signages sa tourist areas – isang corruption-prone project na ipinagbawal ni dating Public Works Sec. Babes Singson.
Noong panahon na iyon, ang signage projects ay mas gusto umano ng Road Board officials dahil ang komisyon ay maaaring umabot ng hanggang 50 percent.
“The signage project has been the subject of heated debates within the TIEZA board. Some directors have openly expressed serious opposition to this project due to its ties to corruption,” sabi pa ng sources.
Sinabi pa ng source na posibleng may ipinangako ang ilang opisyal ng TIEZA sa mga mambabatas para makapagtayo sila ng infrastructure projects sa kani-kanilang distrito kaya ipinipilit nila ang pagtatayo ng mga kalsada at comfort rooms sa halip na tulungan ang tourism enterprises na mag-eempleyo sa libo-libo, kundi man milyong mga Filipino.
“COO Paragas cannot simply wash his hands over this controversy. He is too keen to get a bigger slice of Bayanihan 2 even at the expense of the country’s entire tourism sector. It’s obvious that he’s just avoiding direct confrontation with industry stakeholders in grave danger of losing their livelihood,” pagbibigay-diin ng sources.
Comments are closed.