P10-K AYUDA SA 293 PAMILYA NA BIKTIMA NG SUNOG

KABUUANG 293 pamilya na biktima ng serye ng sunog sa sa iba’t-ibang bahagi ng Maynila noong nakaraang buwan ang binigyan ng ayuda ng lokal ng pamahalaan.

Pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna ang distribution ng financial assistance na nagkakahalaga ng P10,000 kada pamilya kasama sina Manila department of social welfare chief Re Fugoso at Vice Mayor Yul Servo.

Sa kanyang maikling mensahe ay humingi ng paumanhin si Lacuna sa mga biktima ng sunog dahil kailangang papuntahin pa sila sa Universidad de Manila (UdM) para sa pagbibigay ng ayuda dahil sa marami sila at kailangan ang malaking venue.

Ikinalungkot ni Lacuna ang ilang ulit na pagkakaroon ng sunog sa Maynila nitong nakaraang buwan kung saan marami ang nawalan ng tirahan sa gitna ng pandemya.

Sa talaan mula kay Fugoso, ang mga tumanggap ng cash aid ay biktima ng walong sunog na naganap Maynila sa buwan pa lamang ng Enero partikular nitong Enero 12, 14, 15,16, 21, 23, 24 at 30 maliban sa District 4, lahat ng distrito sa lungsod ay nasapol ng sunog kasama na ang Baseco.

Kasabay pa nito, tiniyak din ng alkalde na gagawin ng pamahalaang lungsod ang lahat ng makakaya upang magkaloob ng tulong sa mga biktima ng sunog upang makatulong sa kanilang pagsisimulang muli. VERLIN RUIZ