SA KANYANG pag-uwi sa Pilipinas ay naghihintay kay Carlos Yulo ang hindi bababa sa P10 million incentive mula sa pamahalaan at isang condo na nagkakahalaga ng P24 million mula sa Megaworld.
Kasunod ito ng pagwawagi ni Yulo ng gold medal sa Paris Olympics men’s gymnastics floor exercise sa Bercy Arena noong Sabado ng gabi.
Ang gold ang unang medalya para sa Pilipinas sa Olympic gymnastics.
Sa ilalim ng Republic Act 10699, o mas kilala bilang ‘Sports Benefits and Incentives Act of 2001’, ang Filipino Olympic at Winter Olympic gold medalists ay tatanggap ng P10 million bukod sa Olympic Gold Medal of Valor na ipagkakaloob ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang silver medalists ay pagkakalooban ng P5 million habang ang bronze medalists ay tatanggap ng P2 million.
Maaari itong madagdag ni Yulo sa kanyang P10 million kapag muli siyang naka-podium sa vault final na idinadaos hanggang press time.
Samantala, nangako ang Megaworld noong August 2 ng fully-furnished two-bedroom residential condominium unit na nagkakahalaga ng P24-million sa loob ng 50-hectare McKinley Hill township ng kompanya sa Taguig City sa atlelang mananalo ng gold sa Paris.
Kasunod ng golden performance ni Yulo, nag-post ang Megaworld sa Facebook:
“IT’S A GOLD FOR THE PHILIPPINES! Congratulations Carlos Yulo! Welcome to your McKinley Hill home!”
Asahan ang mas marami pang kompanya na magbibigay kay Yulo tulad ng ginawa nila kay unang Filipino Olympic gold medalist Hidilyn Diaz tatlong taon na ang nakalilipas.
CLYDE MARIANO