TINATAYANG nasa P10 milyong halaga ng Ketamine, isang uri ng iligal na droga ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency mula sa isang Malaysian-Chinese national sa Pasig City.
Nakapiit ngayon sa jail facility ng PDEA RO III ang Malaysian-Chinese national na si Thai Lian Shiong, 24-anyos na kasalukuyang naninirahan sa The Currency Residence, Julia Vargas, Ortigas, Pasig City.
Kasong paglabag sa section 4 (importation of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 ang isasampa sa suspek matapos madakip sa isinagawang controlled delivery operation ng mga awtoridad.
Sa ulat na isinumite ng mga operatiba ng PDEA Regional Office III kay DG Mazo Virgilio Lazo, ang ketamine ay nagmula sa Malaysia at dumating sa Port of Clark noong nakaraang Linggo.
Sa pagsusuri ng Bureau of Customs at ng mga tauhan ng PDEA, nadiskubre na naglalaman ito ng illegal substance na nakatago sa loob ng tatlong acupoint massage twister ang bagahe.
Sinasabing nasa dalawang kilo ng ketamine na nagkakahalaga ng P10 milyon ang kontrabando na tinanggap ng suspek bilang consignee. VERLIN RUIZ