NALAMBAT ng pinagsanib na puwersa ng OCOP-DEU at 6th MFC RMFB-NCRPO ang isang High Value Individual (HVI) matapos malaglag sa ikinasang buy bust operation at makuhanan ng aabot sa P10 milyon halaga ng shabu kamakalawa ng umaga sa Tala, Caloocan City.
Ayon kay Col. Samuel V. Mina, hepe ng Caloocan City Police, nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib puwersa ng OCOP-DEU at 6th MFC RMFB-NCRPO sa Phase 12, Barangay 188 Tala bandang alas-8 kamakalawa ng umaga para sa pag-aresto sa kinikilalang High Value Individual (HVI) na si Zaida P. Amod, 45-anyos, residente ng Phase 12 Barangay 188 Tala, Caloocan City.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang piraso ng medium knot-tied transparent plastic bag na naglalaman ng shabu, limang piraso ng medium knot-tied transparent plastic bag na may shabu; isang piraso ng large knot-tied transparent plastic bag na may shabu; isang P1000.00; at 139 piraso ng P1,000 bill bilang boodle money.
Tinatayang aabot sa humigi’t kumulang 1,600 gramo ng shabu ang nakumpiska sa suspek na may halagang P10,880,000.00 base sa DDB value.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165. VICK TANES