P100-B OFW ASSISTANCE FUND INIHIRIT SA KAMARA

Rep Jocelyn Tulfo

NALILIITAN si House Committee on Overseas Workers Affairs Vice-Chairperson at ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo sa naunang panukala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ang paglalaan ng P5 bilyong pondo kada taon na gagamitin ng pamahalaan sa pagtugon sa pag­hingi ng saklolo o tulong ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa labas ng bansa.

Ayon sa ACT-CIS party-list congresswoman, kung pagbabatayan ang naitalang kabuuang halaga na perang naipadala ng mga overseas Filipino worker sa kani-kanilang pamilya, na malaking tulong din para tumaas ang dollar reserves at mapalakas ang ekonomiya ng Filipinas, mukhang kakarampot lamang ang nasabing P5 bilyon na pondo.

Base sa report ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang OFW personal remittances ay umabot sa $32.2 bilyon o P1.62 trilyon noong 2018 habang $33.4 bilyon o P1.686 trilyon noong 2019, habang ang kanilang cash remittances naman ay may kabuuang $28.94 bilyon o  P1.46 trilyon noong 2018 at sa nakaraang taon  ay nasa $30.13 bilyon o P 1.52 trilyon.

Iginiit ni Tulfo na hindi dapat tipirin ang nasabing mga manggagawang Filipino, na binansagan pa naman aniyang mga ‘bayani ng bansa sa kasalukuyang panahon’, dahilan para ang tinatawag na ‘Assistance-To-Nationals Fund’ ay itakda sa P50 bilyon hanggang P100 bilyon.

Nauna rito, inaprubahan ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang House Bill 5832 para sa pagtatatag ng Department of Overseas Filipinos and Foreign Employment kung saan ilalagak ang inirekomendang P5 bil­yon na budget para sa pagtulong sa mga tinaguriang ‘OFW in distress’.

“P5 billion versus P1.675 trillion just does not seem fair. I believe Congress should at least consider raising that amount to anywhere from P50 billion to P100 billion. With the multitude of problems OFWs face overseas, I now doubt very much that P5 billion is enough funds to assist OFWs in dire need of assistance,” pagbibigay-diin ni Tulfo bilang tugon sa nilalaman ng HB 5832. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.