P100-B UTANG NG DBM SA CONTRACTORS AT SUPPLIERS – SOLON

House Majority Leader Rolando Andaya Jr

AABOT sa P100 bilyon ang utang ng Department of Budget and Management  (DBM) sa mga contractor at supplier para sa mga proyekto at transaksiyon ng gobyerno, pagbubunyag ni House Majority Leader Rolando Andaya,  Jr.

Ayon kay Andaya, hindi ito nabanggit sa isinagawang ‘Question Hour’ kay Budget Sec. Benjamin Diokno.

Aniya, sa nasabing utang, P44 bilyon ang hindi pa nababayaran hanggang ngayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Dahil dito, sinabi ng kongresista na sisimulan na ng House Committee on Rules ang imbestigas­yon sa mga anomalya tulad ng mga isiningit na pondo sa 2019 budget.

Isasagawa ito sa Enero 3, 2019 sa Naga City.

Ipinatatawag sa pagdinig ang mga regional director ng DPWH, district engineers ng Sorsogon City at Catanduanes, at retired at active heads ng DPWH Bids and Awards Committee na humawak ng mga proyekto mula sa construction and trading company na C.T. Leoncio.

Sa mga susunod namang pagdinig ay pahaharapin si Diokno para sagutin at bigyang-linaw ang ilang iregularidad sa 2018 at 2019 budget.

Sa ‘Question Hour’ kay Diokno sa Kamara nitong linggo ay natuklasan ang P75 bilyong pondo na idinagdag sa DPWH na hindi nalalaman ng kalihim ng ahensiya.    CONDE BATAC

Comments are closed.