MAHIGIT sa P100 million na halaga ng mga ari-arian ng Kapa Community Ministry International ang kinumpiska ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa ilalim ng freeze order na ipinalabas ng Court of Appeals.
Ayon sa SEC, bukod sa bank deposits, sakop din ng freeze order ang insurance policies, cryptocurrency holdings at iba pang ari-arian.
Ang freeze order ay nakuha ng SEC noong Hunyo 4 sa pamamagitan ng Anti-Money Laundering Council.
Sinabi ng SEC na lumilitaw sa public records na may siyam na mamahaling sasakyan at sports utility vehicles, gayundin ang helicopter, ang naka-pangalan sa Kapa at mga opisyal nito.
Ang Kapa ay sinasabi ring may isang ospital, isang eskuwelahan at iba pang ari-arian.
“Kapa amassed wealth through an investment scam, in the guise of religion and at the expense of the investing public,” sabi ni SEC Chairperson Emilio Aquino.
Ang Kapa o Kabus Padatuon ay nakarehistro bilang isang independent religious group noong 2017, na may headquarters sa southern city ng Bislig sa Surigao del Sur.
Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga awtoridad ang pagtugis sa grupo makaraang akusahan ito na nag-o-operate ng investment scam.
Naniniwala ang SEC na maaaring nakalikom ang Kapa ng hanggang P50 billion sa paghikayat sa mga miyembro na magbigay ng donasyon na P10,000 at pataas sa pangakong tatanggap ng 30 percent interest kada buwan.
Itinanggi naman ng grupo ang alegasyon.