MAHIGIT P100 milyon na ang naipalabas ng gobyerno bilang ayuda sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño phenomenon.
Ito ang ipinahayag ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol matapos na ipamahagi ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang nasabing halaga.
Ayon kay Piñol, ilang magsasaka na rin ang nag-loan kung saan inaasahang makakakuha ang mga ito ng tig-P25,000.
Kasabay nito ay dinepensahan ng kalihim ang umano’y pagmamaliit nito sa pinsala ng El Niño sa mga magsasaka.
Ani Piñol, prayoridad pa rin ng kagawaran ang interes ng agriculture sector, bagama’t maliit na porsiyento lang mula sa kabuuang production target ang nabawas dulot ng tagtuyot.
Base sa datos ng DA, nasa mahigit P5-bilyon na ang danyos na iniwan ng El Niño sa mahigit 130,000 na magsasaka.
“Everyday that passes where there is no rain, there will be greater damage, and so the total damage to crops, mainly rice and corn, has breached the 5-billion level,” sabi pa ni Piñol.
“We’re not saying na it’s negligible because P5 billion is P5 billion, but in comparison with our national production target, the loss would only amounts to 0.63 per cent,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, nasa 0.63 percent o P2.69-bilyon na ang napinsala mula sa mahigit P20 million metric tons na production target sa bigas, habang nasa 1.2 per cent o P2.36-bilyon naman ang danyos sa target production ng mga mais.
Napag-alamang pinakaapektado rito ang mga rehiyon ng Cagayan Valley at Bicol na sumugal pa rin umano sa pagtatanim matapos na tamaan ng malalakas na bagyo noong nakaraang taon.
“Towards the end of the year, nagkaroon ng bagyo sa Bicol. We provided interventions and because there was rain the farmers took the risk and planted again. So this crop sustained the damage and the same applied in Region II,” dagdag pa ni Piñol. BENEDICT ABAYGAR, JR. /VERLIN RUIZ
Comments are closed.