P100-M ILALAAN SA DRYING FACILITIES NG MAGSASAKA SA ISABELA

Governor Bojie Dy

MAGLALAAN ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng P100 milyon sa itatayong drying facilities na maaaring gamitin ng mga magsasaka kapag ang mga ito ay nag-aani ng palay at mga mais sa nasabing lalawigan.

Isa ito sa nakikitang problema ng mga magsasaka, dahilan sa bumababa ang presyo ng mga produktong pang-agrikultura at hindi maayos na pagpapatuyo nito lalo na’t tag-ulan  na.

Ayon kay Punong Lalawigan Faustino “Bogie’’ Dy, III na ang nakikita niyang solusyon ay ang mag­dagdag ng apat hanggang limang drying facilities malapit sa mga National Food Authority  (NFA)  sa lalawigan

Magugunitang noong nakaraang taon na maraming bagyong dumaan sa lalawigan ng Isabela ay naging mahina ang kita ng mga magsasaka dahil sa mga basang produkto.

Inaasahang kapag naisakatuparan na ang nasabing proyekto ay kahit panahon ng tag-ulan ang anihan ay hindi malalayo ang kita ng mga magsasaka sa dry season.

Nais din ng pamahalaang panlalawigan na mabawasan ang pagbibilad sa mga kalsada na nasasakupan ng nasabing lalawigan na nagsasanhi ng mga aksidente.

Kapag naisakatuparan na ang nasabing proyekto ay inaasahan na mapapansin nina Pangulong Rodrigo Duterte at Agriculture Secretary Manny Piñol kung ano pang kakula­ngan na tulong para sa mga magsasaka sa buong lalawigan ng Isabela. IRENE GONZALES

Comments are closed.