P100-M PAGKALUGI SA PRODUKSIYON NG PANANIM DULOT NG TAGTUYOT — DA

tagtuyot

TINATANTIYA ng Department of Agriculture (DA) na ang halaga ng  pagkalugi sa produksiyon ng mga pananim dala ng patuloy na tagtuyot  sa gitna ng El Niño phenomenon ay aabot na sa P100 million.

Sa isang panayam, sinabi ni  DA chief of Field Program Operational Planning Division Christopher Morales na nasa 10,000 metriko tonelada ng bigas at mais ang tinatayang nawala dahil sa tagtuyot.

“Ang kanyang value mga around P100 million,” ani Morales.

Sinabi niya na mino-monitor ng DA ang walong probinsiya na naging apektado na ng mainit na panahon. Ito ay ang  Cotabato, Occidental Mindoro, buong  Zamboanga peninsula, Maguindanao, Misamis Occidental at Davao del Sur.

“May ilang magsasaka na ang nagrereklamo sa epekto ng El Niño sa Cotabato, Occidental Mindoro, Zamboanga, Maguindanao, at Davao del Sur,” sabi niya.

Sinabi ng opisyal ng DA na naghahanda na ang kanilang departamento para sa pagsisimula ng El Niño mula pa noong Nobyembre 2018.

“Mula pa noong November last year, may instruction na si Agriculture Secretary Manny Piñol na magkaroon ng task force para mabantayan ang mga lugar na inaasahang maaapektuhan ng El Niño,” dagdag pa ni Morales.