P100-M TUPAD FUND PARA SA EX-MORO

pondo

NAGLAAN ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng inisyal na 100 milyong pisong pondo ng emergency employment para sa mga dating rebeldeng Moro upang mapabilis ang transisyon nila bilang produktibong mi­yembro ng komunidad.

Kasunod ito ng paglagda ng DOLE sa isang kasunduan kasama ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) upang ipa­abot ang DOLE Integrated Livelihood and Emergency Program (DILEEP) na may layong tulungan ang socio-economic development at confidence-building ng tinatayang nasa 7,000 decommissioned na MILF combatant.

“Ang pagtutulungan na ito ay nakatuon upang bigyang ayuda ang mga da­ting rebelde para sa kanilang transisyon sa kanilang buhay sibilyan, at maging mapayapa at produktibong komunidad ang anim na kampo ng MILF sa pamamagitan ng employment facilitation, at matatag na tulong pangkabuhayan,” wika ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Sa ilalim ng kasunduan na nilagdaan ni Bello at ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr., aayuda ang DOLE upang mai-patupad ang Comprehensive Agreement on the Bangsa­moro (CAB) Normalization Program sa pamamagitan ng pagbibigay ng emergency employment sa ilalim ng programang TUPAD.

Dagdag pa rito, magbibigay rin ang DOLE ng mga programa sa ilalim ng employment facilitation at iba pang serbisyo sa mga dating rebelde sa ilalim naman ng Government Internship Program at Special Program for Employment of Students.

Ayon sa kalihim, layunin ng mga nasabing hakbangin na suportahan ang agenda ng administrasyong Duterte para sa pangmatagalang kapayapaan at upang mabigyan ang mga dating rebelde ng matatag na tulong pangkabuhayan at mga oportunidad sa trabaho bilang solusyon sa pinag-uugatan ng problema sa karahasan.

Samantala, kinilala naman ni Galvez ang DOLE, kasama ng TESDA bilang mga unang ahensiya ng pamahalaan na nanguna para sa pagpapatupad ng CAB Normalization Program at upang mabago ang anyo ng anim na kampo ng MILF tungo sa mapayapang komunidad.

“Umaasa kami na sa pamamagitan ng pagtutulu­ngan na ito ay magpapatuloy rin ang DOLE sa pag-suporta hanggang sa mga susunod na yugto ng normalization program upang mabilis na makamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro,” ayon kay Galvez. PAUL ROLDAN

Comments are closed.