SUPORTADO ni Senador Lito Lapid ang panukalang across-the-board wage increase na kasalukuyang nakasalang sa plenaryo ng Senado.
Salig sa Senate Bill No. 2534 na inisponsoran ni Senador Jinggoy Estrada, isinusulong ang dagdag P100 na arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Lapid, napapanahon at isa ito sa mga batas na kailangan nilang ma-prioritize para makaagapay ang mga manggagawa sa pribadong sektor sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin.
Sinabi pa ni Lapid na hindi madali ang ganitong uri ng lehislasyon sapagkat kailangang balansehin ang interes ng mga kompanya at interes ng mga empleyado.
“Inaasahan po natin na makatutulong ito sa mga pamilyang Pilipino na masabayan kahit papaano ang inflation sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng karagdagang kita pantustos sa kanilang pangangailangan,”
Dagdag pa ni Lapid na makatutulong din ito sa ekonomiya ng bansa dahil inaasahan na tataas ang consumption ng mga Pilipino dala ng pagtaas ng kanilang mga sahod.
VICKY CERVALES