P100K CASH GRANT SA MGA NEGOSYANTE SA MAKATI

Abigail Binay

INAANYAYAHAN ni Makati City Mayor Abigail ‘Abby’ Binay ang mga negosyante sa lungsod na mag-apply ng mas maaga sa itinakdang Disyembre 31 deadline para makakuha ng halagang aabot sa P100,000 cash grant na iniaalok sa ilalim ng P2.5-bilyong programa ng Makati Assistance and Support for Businesses (MASB).

Ayon kay Binay sa mga nagdaang linggo ay mahigit 5,000 applikante na ang natanggap sa online via website www.proudmakatizen.com at ipinoproseso na ng lungsod ang paglalaan ng pondo para sa sahod ng mga empleyado at trabahador gayundin ang pambayad sa mga supplier.

“Ang layunin ng MASB Program ay upang makapagbigay ng pambawing pondo sa mga negosyo, mai-angat ang lokal na ekonomiya gayundin ang pagpo-promote ng pagtatrabahuhan ng Makatizens lalo na ung mga matinding naapektuhan ng pandemya ng COVID-19,” ani Binay.

Ipinaliwanag ng alkalde, ang mga kuwalipikadong mag-apply sa programa ng lokal na pamahalaan ay ang mga may negosyo lamang na nag-ooperate sa lungsod kabilang ang mga Makati-registered branches na may head office sa labas ng Makati pati na rin ang may mga valid business permit sa taong ito na walang anumang obligasyon sa buwis.

Ani Binay, ang financial assistance na ito ay direktang ipamamahagi sa mga registered at accredited Makati-based supplier bilang pambayad sa goods at serbisyo gayundin bilang pampasuweldo sa kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng drawdowns.

Sa ilalim ng MASB Program, ang mga kuwalipikadong negosyo ay makatatanggap ng grants mula P10,000 hanggang P100,000 depende sa uri ng negosyo at bilang ng mga Makatizens na empleyado ng naturang establisimiyento at walang minimum period na kailangan.

Gayunpaman, sa naturang grant ay kailangang sundin ng mga negosyo ang mahigpit na pagsunod sa tatlong kondisyon sa mga susunod na dalawang taon tulad ng patuloy na operasyon ng negosyo; walang tatanggalin na emple­yado ng kahit na sinong Makatizen at ang pagsunod sa mga ordinansa at safety guidelines ng lungsod.

At kung sakaling lumabag sa kondisyon ng MASB program, babayaran ng buo ng naturang negosyo ang katumbas ng naturang halagang ipinagkaloob sa loob ng 30 araw at kapag hindi nakasunod o nag-comply ang naturang negosyo ay kakanselahin ang business permit at lisensya ng mga ito at maari lamang na ma-renew kapag nabayaran ng buo ang ipinagkaloob na naturang grant. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.