P100K NG MGA CENTENARIAN AGAD NA IBIGAY

Bong Go

UMAPELA si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa Department of Social Welfare and Development (DSWD)   at iba pang  concerned agencies  na pabilisin  ang pagbibigay ng benepisyo  sa mga centenarian.

Alinsunod sa isinasaad ng Saligang Batas ang pagsasaprayoridad sa kapakanan  ng mga matatanda lalo na ngayong  mayroong  kinakaharap na health crisis bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Go na hindi na dapat pahirapan pa ang mga 100 years old  sa pag­hihintay sa kanilang mga benepisyo na kung saan dapat mabigyan ng  P100,000 ang mga ito mula sa gobyerno.

Binigyang-diin ni Go na malaki ang magagawa ng ibibigay na tulong ng gob­yerno sa pang-araw-araw na gastusin ng mga ito hindi lamang ngayong panahon ng pandemic kundi dahil “deserving” ang mga ito.

Ang panawagan ng senador ay nag-ugat nang makarating sa kanyang tanggapan na isang Aurea Corpuz mula sa Alaminos, Pangasinan ang naghihintay pa rin sa kanyang  cash gift mula nang magdiwang ito ng kanyang  100th birthday noon pang August 2019.

Kaugnay nito,  tiniyak naman ng DSWD na matatanggap ni Lola Aurea ang kanyang benepisyo ngayong linggo.

Ipinaalala rin ni Go na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagsabing  huwag patagalin  ang serbisyo at benepisyo para sa tao. VICKY CERVALES

One thought on “P100K NG MGA CENTENARIAN AGAD NA IBIGAY”

Comments are closed.