P100K SA BARANGAY NA ZERO COVID NG 2 BUWAN

Mayor Isko Moreno

TATANGGAP ng insentibo mula sa Manila City Government na nagkakahalaga ng  P100,000 ang mga barangay na hindi makapagtatala ng bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng susunod na dalawang buwan o mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 31.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, naglaan sila ng P89.6 milyong budget para rito dahil inaasahan niyang mapagtatagumpayan ng lahat ng 896 barangays sa lungsod ang kanyang hamon sa mga ito.

“Kapag kayo po ay walang nairehistro sa amin na walang impeksyon, walang new cases in the next two months sa inyong barangay, kayo po ay magkakamit ng P100,000,” ani Moreno, sa kanyang Facebook Live.

“Kapag walang naitala sa inyong barangay na new infection, kahit mayroon ngayon ay hindi ‘yon kabilang.So anything na maitala na zero from September 1 to October 31, kayo po ay makakatanggap mula sa pamahalaang lungsod ng additional P100,000 sa inyong mga budget,” aniya pa.

Naniniwala ang alkalde na malaki ang maitutulong ng naturang proyekto, hindi lamang sa city government, kundi maging sa national government, at sa pagsugpo ng pagkalat ng virus sa bansa.

Nabatid na bukod naman sa karagdagang pondo, tatanggap din ang mga opisyal ng barangay ng plaque of appreciation mula sa lokal na pamahalaan, bilang pagkilala sa kanilang pagpupunyagi.

Sa pinakahuling datos nglokal na pamahalaan ,may 8,110 kaso ng CO­VID-19 ang naitala at may 6,911 ang nakarekober.

Kaugnay nito, inaanusiyo ni Moreno na ipinatutupad ang curfew sa lungsod, mula alas-10 ng gabi hanggang ala- 5 ng madaling araw. PAUL ROLDAN/VERLIN RUIZ

Comments are closed.