AABOT sa 4.3 milyomg pamilya ang makatatanggap ng P106 billion na ayuda sa susunod na taon sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng pamahalaan.
Ayon sa Kamara, malaking bahagi ng pondong ito ay mula sa panukalang P169.3-B budget para sa 2021 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang pondo sa susunod na taon para sa 4Ps ay mas mataas ng P5 billion kumpara sa P101 billion na financial aid ngayong taon.
Naniniwala ang mga kongresista na ang dagdag na pondo sa 4Ps ay mangangahulugan na mas maraming mahihirap na pamilyang Filipino ang mabibigyan ng tulong ng pamahalaan.
Sa kabuuan ay aabot sa P113.8 billion ang pondo para sa 4Ps kung saan kasama na rito ang P7.8 billion na budget para sa administrative costs at iba pang gastusin.
Hiniling naman ng Kamara sa state-owned bank na Land bank na siyang ginagamit para sa pamamahagi ng cash aid na bawasan ang kanilang service fee ng 50%.
Kapag tinapyasan ang bank service fee ay makatutupid ng P1 billion ang DSWD na maaaring gamitin na pandagdag benepisyo sa ilalim ng 4Ps. CONDE BATAC
Comments are closed.