P106 BILYON INILAAN PARA SA 4Ps

NAGLAAN ng halagang ₱106.335 bilyong piso sa 2024 General Appropriations Act (GAA) para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng  Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mabebenipisyuhan ang may 4.4 million eligible households sa bansa.

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, ang alokasyon ng 4Ps program sa taong ito ay mas malaki kumpara sa ₱102.610 bilyon  mula sa nakaraang 2023 GAA.

Ang naturang pondo ay sasaklaw sa health subsidies na ₱750 kada buwan at ₱600 kada buwan para sa rice subsidies ng mga eligible households.

“This significant funding will greatly benefit millions of our kababayans who are in dire need. As directed by President Ferdinand R. Marcos, Jr., we will ensure that 4Ps under the Bagong Pilipinas will be provided with needed funding support as this program serves as a lifeline that bridges dreams to reality for many Filipinos,” pahayag ni  Pangandaman.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), ay inatasan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DSWD na tiyaking pawang mga kuwalipikadong pamilya ang mapasama sa naturang programa gayundin ang pagpapalakas sa mga assistance programs at pagtiyak ng sapat na pondo para sa mga  vulnerable sectors.

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay nagsisilbing national poverty reduction strategy ng pamahalaan na nagkakaloob ng conditional cash transfers sa mga mahihirap na may maximum period na pitong taon upang tustusan at mapabuti ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng mga bata mula edad 0-18 taon.

EVELYN QUIROZ