P107.6-M INILAAN NG DAR SA IMPRAESTRUKTURA AT SUPPORT SERVICES

John Castriciones

NAGKALOOB ang Department of Agra­rian Reform (DAR) ng mga impraestruktura at ka­gamitang pansaka na nagkakahalaga ng P107.6-milyon upang mapabuti ang kalagayang pang-ekonomiya ng mga magsasaka sa probinsiya.

Pinangunahan ni DAR Secretary Brother John Castriciones ang pagbibigay ng dalawang tulay sa lokal na pamahalaan ng Isabela.

Ayon kay Castriciones, ang mga tulay na nagkakahalaga ng P50 mil­yon bawat isa ay itinayo sa ilalim ng “Tulay ng Pa­ngulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo” at makatutulong ng malaki sa mga magsasaka sa pagdadala ng kanilang mga produkto sa mga pamilihan.

Kabilang sa mga proyekto ay ang tulay ng Bayabo Calaocan sa Delfin Albano at ang tulay ng Pongpongan sa Jones, Isa­bela.

“Makikinabang ang mahigit sa 2,000 mga magsasaka sa mga tulay na ito, kasama na ang mga mula sa mga karatig-barangay ng bawat tulay,” saad ni Bro. John.

Aniya, ang pagtatayo ng mga tulay ay nakahanay sa pangako ng DAR na mapabuti ang buhay ng mga magsasaka.

“Ngayon, hindi na gugugol ng mahabang oras para makarating sa mga pamilihan at dalhin ang kanilang mga produkto, o sa ospital upang humingi ng medikal na atensiyon. Mabilis na ang pagdadala ng mga produkto sa kalapit na pamilihan, at ang mga mamamayan ay hindi na tatawid sa mga ilog dahil ngayon, ligtas silang makakadaan sa ilog gamit ang mga bagong tulay na ito,” sabi ni Brother John.

Sinabi naman ni DAR-Cagayan Valley Regional Director Samuel Solome­ro, na ang mga tulay na itinayo sa pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ay gawa sa materyales na mula sa France.

“Mahusay ang pagkakatayo ng tulay ng DPWH kung saan sinigurado nila na ito ay tatagal upang maraming pamayanan at henerasyon ang makikinabang dito,” pahayag ni Solomero.

Bukod sa mga tulay, tatlong units ng solar-powered irrigation system (SPIS) na nagkakahalaga ng P3 milyon ang ibinigay sa tatlong kooperatiba sa Santiago, Ilagan at Reina Mercedes. Ang bawat SPIS ay magpapatubig ng limang ektarya ng lupa para sa pagtatanim ng gulay ng mga magsasaka na naninirahan sa lugar. Ang irigasyon ay ibinigay sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRSFP).

Sinabi ni Solomero na may dalawang delivery trucks na nagkakahalaga ng P1.4 milyon, 43 na motorsiklo na may mga sidecar na nagkakahalaga ng P2.4 milyon, at isang traktora na nagkakahalaga ng P949,000, ang ipinagkaloob rin sa mga kooperatiba sa Isabela. Ang mga sasakyang pang-bukid na ito ay ibinigay sa ilalim ng Linking Smallholder Farmers (LinksFarm) at Convergence on Live live Assistance for ARBs Project (CLAAP). BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.