NAGKAKAHALAGA ng P107-milyon na iba’t-ibang uri ng farm machinery ang ipinamahagi ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) sa mga magsasaka sa Nueva Ecija.
Ayon kay PhilMech Director Dionisio Alvindia, ang 2023 machinery distribution ay sa ilalim ng RCEF Mechanization Program ng pamahalaan.
Sinabi ni Dir. Alvindia na may kabuuang 59 na qualified Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) at Local Government Units (LGUs) ang napagkalooban ng mga nasabing makinarya na tiyak na magpapagaan at magpapabilis ng trabaho sa pagsasaka ng mga magsasaka sa bansa.
Kabilang sa mga makinarya na ipinamahagi sa mga magsasaka noong Enero 26, 2023 ay 15 units ng hand tractors, 27 units ng walk-behind rice transplanters, 2 units ng riding-type rice transplanters, 2 units ng precision rice seeders, 3 units ng rice reapers, 25 units ng rice combine harvesters at 14 units ng 6-ton recirculating dryers.
Pahayag pa ni Dir. Alvindia, paunang distribusyon pa lamang ngayong taon ang kanilang naibigay sa mga magsasaka sa Nueva Ecija dahil sa susunod na mga araw at buwan ay sa ibang lalawigan naman sila mamamahagi ng makinarya.
“Pauna pa lamang po iyan ngayon taon, susunod na sa ibang lalawigan at probinsiya hanggang mapagkalooban namin ang lahat ng magsasaka sa bansa” ani Dir. Alvindia.
Ang PhilMech ay isa sa mga attach agency ng Department of Agriculture (DA) kaya ang pamamahagi ng farm machinery ay personal na dinaluhan nina DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban, DA Director for Operations U-Nichols Manalo, PLGU Nueva Ecija Representative Atty. Ferdinand Abesamis, Science City of Muñoz Mayor Baby Armi Alvarez, Villar SIPAG Representative Ms. Mabel Esguerra, Nueva Ecija 3rd District Representative Hon. Rosanna Vergara, at Nueva Ecija 2nd District Representative Hon. Joseph Violago.
Si Dir. Alvindia ay umupo sa puwesto noong Marso 2022 at nangakong ipapatupad ang mga proyektong isinusulong ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., para sa kapakanan ng milyon-milyung magsasaka upang magkaroon ng food sufficiency o sapat na pagkain sa ating bansa.