P108-M ILEGAL NA DROGA WINASAK NG PDEA

WINASAK ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office I (PDEA ROI) at PDEA Regional Office-Cordillera Administrative Region (PDEA RO-CAR) ang iba’t ibang uri ng mga ilegal na droga na tinatayang nagkakaha­laga ng P108,674,818.44.

Ang pagwasak ay isinagawa ng PDEA kamakalawa sa Geocycle facility ng Holcim Philippines Incorporated sa Bacnotan, La Union.

Ayon sa PDEA, ang naturang aktibidad ay isang joint destruction ceremony ng mga drug evidence na nakumpiska sa kanilang mga anti-drug operations at ang mga itinurn-over ng mga awtoridad matapos na ipag-utos na ng hukuman ang pagsira sa mga ito.

Nabatid na si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang naging Guest of Honor at Speaker sa naturang seremonya na dinaluhan din nina Judge Mervin Jovito Samadan ng RTC Dagupan City, Pangasinan; Atty. Cris Alvin Tadeo ng Department of Justice Region I; Atty. Gilbert Hufana ng Public Attorney’s Office at mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Bacnotan, NGOs, religious sector, media partners, at civil society groups.

Ayon sa PDEA, ang mga naturang drug evidence na isinailalim sa thermal destruction ay kinabibilangan ng P29,367,939.90 para sa PDEA ROI habang P79,306,878.54 naman ang halaga ng ilegal na droga na mula sa PDEA RO-CAR.

Ang mga ito ay binubuo ng shabu, marijuana, kush, ecstasy, liquid ma­rijuana at liquid shabu.

Pinuri naman ni Regional Director Ronald Allan Ricardo ang pagsusumikap ng iba’t ibang sangay ng Regional Trial Courts (RTCs) para mapabilis ang prosekusyon at disposisyon ng mga hawak nilang drug cases na nagresulta sa mabilis na pagsira sa mga ile­gal na droga na hindi na kailangan bilang ebidensiya sa hukuman. EVELYN GARCIA