TULOY-TULOY pa rin ang buhos ng P10K ayuda sa mga indibidwal mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na pilit na bumabangon mula sa pagkagupo dahil sa COVID-19.
Umaabot na sa 13,531 ang nakatanggap ng P10K ayuda mula sa Sampung Libong Pag-asa Program na inilunsad ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at ng kanyang mga kaalyadong kongresista na BTS o Balik sa Tamang Serbisyo sa Kongreso bilang pang-ahon ng ating mga kababayan na lubhang nahirapan dahil sa pandemya.
Maraming lugar na sa Pilipinas ang narating ng P10K ayuda mula nang pasimulan ito noong nakaraang Mayo, kabilang na rito ang mga lalawigan sa Northern Luzon, Cordillera, Central Luzon, National Capital Region, Calabarzon, Kabiculan, Panay Island, Samar at Leyte, Cebu, at mga lugar sa Mindanao gaya ng Davao, Zamboanga, General Santos, Cagayan De Oro at marami pang iba.
Bukod kasi sa pagtulong ng mga local government unit sa pagpili ng benepisyaryong talagang nangangailangann sa kanilang lugar, pumipili rin ng mga masuwerteng benepisyaryo si Cayetano mula sa libo-libong netizens na nagkokomento sa kanyang FB account habang umeere ang Sampung Libong Pag-asa sa FB live.
Samu’t sari na rin ang mga benepisyaryo ng Sampung Libong Pag-asa, kabilang na ang mga OFW, senior citizen, mga nawalan ng trabaho at hanapbuhay, mga kasambahay, guro, mga ambulant vendor, at mga BHW. Kasama rin sa mga benepisyaryo ang maraming displaced tourism workers, mananahi, indigents, mga tsuper, waiters, mga promodiser, maging mga entertainer at mga komedyante at marami pang iba.
Inihain noong Pebrero sa Kamara nina Cayetano ang P10K Ayuda Bill para makabangon ang mga nabiktima ng COVID-19 ngunit hindi ito binigyan ng importansiya nang talakayin ng Kamara ang Bayanihan 3. Pero hindi tumitigil ang dating speaker sa kanyang layunin na mabigyan ng P10K ayuda ang lahat ng ating mga kababayan. Hindi hinintay ni Cayetano na lumusot sa Kongreso ang P10K Ayuda Bill bagkus gumawa siya ng paraan at nangalap ng donasyon para mabigyan ng P10K ayuda ang libo-libo nating kababayan.
Paulit-ulit na sinasabi ni Cayetano na sa P500-B na dagdag sa 2022 national budget, P200-B dito ay sapat na para mabigyan ng P10K ayuda ang lahat ng mga Pilipino. Alam naman natin na mahaba-habang istorya pa ang ating bubunuin upang makabawi at makabangon sa epekto ng COVID-19.
Sa ngayon, fluctuating ang itinatakbo ng COVID-19 cases ‘di lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Kaya hindi nasisiguro ang tuluyang pagbubukas ng ekonomiya dahil hindi pa tapos ang banta ng COVID-19 sa buong mundo.
Kaya naman maituturing na sinag ng pag-asa para kay Cayetano ang ginawang commitment ni Sen. Joel Villanueva na isusulong din niya sa Senado ang P10K Ayuda Bill bilang suporta sa Sampung Libong Pag-asa Program ng dating speaker. Sa ngayon, nakakuha na ng suporta ang P10K Ayuda mula sa ibang mambabatas dahil napatunayang epektibo ang naturang stimulus program sa mga pinahirapan ng COVID-19.
Bukod sa 13, 531 P10K ayuda beneficiaries, umaabot na rin sa 6,000 sari-sari stores sa buong bansa ang nabigyan ng P3,500 na dagdag puhunan sa ilalim ng Sari-Saring Pag-asa Program ni Cayetano para maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan. Suma tutal, aabot na ng halos 20,000 ang nakinabang sa naturang mga programa ng dating speaker. ‘Yan si Mr. Bayanihan!