INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaloob ng P10,000 insentibo sa bawat kawani ng gobyerno.
Alinsunod ito sa Administrative Order No. 37 na nilagdaan ng Pangulo noong Disyembre 18 na nagbibigay ng one-time Service Recognition Incentive (SRI ) sa mga kuwalipikadong government employee na hindi lalagpas sa P10,000 kada personnel.
Kabilang sa mabibiyaan ay ang civilian staff sa national government agencies, kasama na ang mga nagtatrabaho sa state universities and colleges; government-owned or -controlled corporations, mga regular, contractual o casual status.
Maging ang mga sundalo at civilian employee ng Armed Forces of the Philippines gayundin sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology sa ilalim ng Department of Interior and Local Government, Bureau of Corrections sa ilalim ng Department of Justice, Philippine Coast Guard sa ilalim ng Department of Transportation, at sa National Mapping and Resource Information Authority sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.
Paglilinaw naman ng kautusan na ang kuwalipikadong makakuha ng buo SRI ay nakapagsilbi ng mahigit apat na buwan sa pamahalaan habang ang kulang sa apat na buwan ay pro-rated.
Hindi naman kasama sa grant ng SRI ang mga manggagawa na labas sa employer-employee relationship at ang suweldo ay pinopondohan lamang ng non-personnel services appropriations/budgets gaya ng pagiging consultant, gayundin ang nasa pakyawan na trabaho. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.